Isang pulis sa Australia ang kinasuhan kahapon ng manslaughter o homicide dahil namatay ang 95 anyos na lola matapos niyang tirahin siya ng taser noong Mayo.
Ang pulis na hindi pinangalanan at ang biktimang si Clare Nowland ay nagharap sa Yallambee Lodge nursing home sa katimugang New South Wales nang itawag sa pulis ang huli dahil may hawak siyang kutsilyo, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Pasyenteng may dementia si Nowland sa nasabing nursing home.
Nang dinantnan ng 33 anyos na pulis ang lola na may hawak na steak knife sa isang kamay at lumalapit sa kanya gamit ang walking frame, inutusan niya siyang huminto sabay tira ng kanyang de-kuryenteng baril sa matanda.
Bumagsak sa sahig ang lolang may 24 apo at 31 apo sa tuhod na ikinabiyak ng kanyang bungo. Namatay siya sa ospital matapos ang isang linggong pagkakaratay doon.
Maraming tao ang nagulat sa pangyayari at naiulat ang balita sa buong mundo.
May ibang kasong pananakit ang pulis bago ang pag-taser niya sa lola.