Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules na pinalaya na umano ng terroristang Hamas sa Gaza Strip ang natitirang Pilipinong binihag ng grupo nang simulan nila ang pagsalakay noong Oktubre.
Sa isang post sa X na dating Twitter, kinilala ng Pangulo ang natitirang bihag na pinalaya na si Noralyn Babadilla.
“Just days after expressing concern for Noralyn Babadilla’s whereabouts, I am very happy to announce that Noralyn is safely back in Israel, becoming the second Filipino released from Gaza,” saad ng Pangulo.
“With this positive development, I am pleased to inform the nation that all Filipinos affected by the war have been accounted for,” dagdag niya.
Ayon kay Marcos, inatasan niya ang Philippine Embassy sa Tel Aviv na ibigay kay Babadilla ang mga kailangan tulong nito sa pakikipag-ugnayan na rin sa Israeli authorities.
Pinasalamatan ng pangulo ang Israeli government sa tulong nito sa mga Pilipino doon, gayundin sa pamahalaan ng Egypt at Qatar na naging bahagi ng negosasyon ng Israel at Hamas.
Sa hiwalay na pahayag, ikinatuwa ng naman Department of Foreign Affairs ang pagpapalaya kay Babadilla. Nagpapasalamat ang kagawaran sa Qatar sa naging papel nito bilang tagapamagitan sa negosasyon.
Nagpasalamat din ang DFA sa Israel, “for agreeing to the conditions which facilitated the release of more hostages including Ms Babadilla, and for all their assistance they have provided our nationals in Israel.”
“We also recognize the support and participation of Egypt as well as the ICRC and other international organizations in the process,” dagdag nito patungkol sa International Committee of the Red Cross.
Bago si Babadilla, unang pinakawalan ng Hamas ang Pinoy na bihag din na si Jimmy Pacheco.
Ayon sa DFA, hindi batid ni Pacheco kung mayroon pang kapuwa niya Pilipino na bihag noon ang Hamas.
Sa kaugnay na balita, inihahanda na ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv ang panibagong passport para kay Pacheco dahil nasira umano ito kasunod ng kanyang pagkakabihag, at kailangan na itong palitan ng embahada.
Kasama rin sa mga nasira at nawala sa pag-iingat ni Pacheco ang kanyang mga personal belongings na nasamang nasunog sa unang bugso ng pag-atake ng militanteng Hamas.
Oras na matapos na ang bagong pasaporte ni Pacheco, mas madali nang planuhin ang pagpapauwi sa kanya dito sa Pilipinas.