Dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard ang sumugpo sa isang lalaking nag-aamok umano sa loob ng isang barko at gumawa pa ng bomb threat sa Port of Bongao sa Tawi-Tawi.
Ayon sa ulat ng PCG, sumakay ng RoRo ang lalaki, na nag-amok sa loob ng barko, at nagtangka pa sa buhay ng isa sa mga pasahero at habang inaawat ito, sinuntok pa ng suspek ang naka-duty na sea marshal, at sinubukang agawin ang baril nito.
Dahil dito, tumugon ang dalawang kawani ng PCG na kinilalang sina CG SN1 Christian Leden Marquez at CG SN1 Elmer Dacanay para arestuhin ang lalaki, pero hindi ito nagpatinag at pinalagan ang mga Coast Guard members.
Sa gitna ng pakikipagbuno sa mga awtoridad, biglang nagsabi ang suspek na may itinanim siyang bomba sa loob ng RoRo, kaya agad pinababa ang mga sakay ng naturang barko at isinagawa ang pagsusuri ng mga miyembro ng Coast Guard K9 Unit-BARMM.
Sinuyod nila ang barko upang hanapin ang mga itinanim umano na bomba ngunit sa huli, walang silang nakitang bomba.
Dinala sa presinto ang suspek, na nahaharap sa patong-patong na kaso.