Sa gitna ng pagbubunyi ng mga taga-Nicaragua dahil nanalo bilang Miss Universe 2023 ang kanilang kinatawan sa pandaigdig na patimpalak ng pagandahan ng babae, ang mag-inang nasa likod ng pagkapanalo ni Sheynnis Palacios at kilalang kritiko ng administrasyong Ortega ay biglang pinatapon.
Dumating noong Nobyembre 17 sa Nicaragua galing Mehiko si Karen Celebertti, ang direktor ng Miss Nicaragua na siyang pumili kay Palacios na maging kinatawan ng bansa sa Miss Universe 2023 pageant, ngunit hindi siya pinapasok sa sarili niyang bansa pati na ang kasamang anak na babae.
Walang pahayag na dahilan ang pamahalaan sa pagpigil at pagdetine kay Celebertti at ang kanyang anak sa Managua airport. Napilitan ang mag-ina na bumalik sa Mehiko.
May mga hinala ang mga kalaban sa pulitika ni Pangulong Daniel Ortega at asawa niyang Rosario Murillo na bise presidente, na ang dahilan ng pagpapatapon kay Celebertti ay dahil sa asosasyon niya kay Palacios na ginawang simbolo ng oposisyon sa Nicaragua.
Katulad ng pagpapatalsik ng ibang kalaban sa pulitika ng pamilyang Ortega ang nangyari kay Celebertti. Hindi rin siya pinarangalan sa kanyang naitulong upang magwagi ang Nicaragua sa Miss Universe 2023 noong Nobyembre 18 sa El Salvador.
Hinalughog rin ang bahay ni Celebertti sa Managua at sandaling ikinulong ang kanyang asawang si Martin Arguello.
Samantala, lumabas ang litrato ni Palacios na nagwawagayway ng bandila ng Nicaragua sa isang demonstrasyon laban sa gobyerno noong 2018 at naging viral ito sa social media.
Naging madugo ang nasabing protesta dahil mahigit 350 ang namatay rito nang pwersahang buwagin ito ng mga pulis. Maraming kritiko ng pamahalaan na lumahok sa protesta ay nakulong at may 100,000 tao ang pinatapon.
Naglabasan rin ang mga tao sa kalye upang ipagdiwang ang pagkapanalo ni Palacios, bagay na pinagbawal ng pamahalaan limang taon na ang nakararaan bilang pagpigil sa protesta ng mga oposisyon.
Binatikos naman ni Murillo ang pagpapaikot ng larawan ni Palacios at binansagan niya itong malisyoso at isang komunikasyon ng terorista na layong maghikayat ng kudeta.
Nitong Martes rin ay pinagbawalan ng gobyerno ang dalawang artista na magpinta ng mural ni Palacios sa hilagang siyudad ng Esteli. Umikot rin sa social media ang mga litrato ng hindi natapos na mural.
Ayon sa mamamahayag na si Wilfredo Miranda, na naninirahan ngayon sa Costa Rica, naging simbolo ng pag-asa si Palacios sa mga taga-Nicaragua.
Wala pang reaksyon si Palacios sa nangyari kay Celebertti.