May mga pagkakataon na nakakaiwan ng gamit ang mga biyahero sa airport at hindi na nila ito mabawi dahil nasa malayong lugar na sila at magastos na balikan pa ito.
Sa mga nakakaiwan ng bagahe sa Ninoy Aquino International Airport, ang patakaran ay itatabi ito upang hintaying balikan at kunin ng may-ari, ayon sa Bureau of Customs at sa Manila International Airport Authority.
Ang mga maletang hindi binalikan at binawi matapos ng isang buwan ay itinuturing na abandonado at isinusubasta ng auction and disposal division ng BoC.
Bago isubasta, susuriin muna ng BoC ang laman ng maletang abandonado at paghihiwalayin ang mga mamahalin at di-mamahaling bagay dito.
Ang mga damit ay karaniwang ipinamimigay sa charitable institution at ang mga mamahaling gamit ay isinusubasta.
Sa madaling salita, hindi ang buong maleta ang isinusubasta kundi ang laman nito.
Mahalagang malaman ng publiko ang patakarang ito sa mga abandonadong maleta sa airport upang hindi malinlang ng mga online scammer.
May ulat na talamak ang online shopping scam sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa at napakarami ang nabibiktima ng mga scammer. Kaya nararapat na malaman ng sambayanan kung ano ang ginagawa sa mga hindi-binalikang bagahe sa airport o airline nang sa gayon ay makaiwas ang tao na malinlang at manakawan ng pera.
Sa madaling salita, kapag may nakitang “for sale” na maletang naiwan sa airport, ito ay isang scam o panloloko dahil hindi naman ito ginagawa ng BoC, MIAA o ng airline.
Malamang ay kapag nagbayad na ang bumili ng maleta, maglalaho na ang binayaran, tangay ang perang ni-remit sa kanya ng biktima.
Nakakatukso ang magkaroon o makabili ng maletang abandonado dahil katulad ito ng mga pakulo ng mga kilalang online shopping sites na nag-aalok ng napakamurang gamit tulad ng gadget ngunit ibang produkto ang ipinadadala sa umorder.
Iniisip nila na maaaring may alahas o gadget sa loob ng maleta na ipinagbibili ng mga online scammer kaya dali-dali nilang bibilhin ito. Malalaman na lamang nilang peke ito ngunit huli na, nanakawan na sila ng pera.
Sa mga ang puntirya ay maletang iniwan at hindi na binalikan, mag-isip muna bago mamili ng ganoong bagahe para iwas-scam.
Ngayong magpapasko, naglipana ang mga manloloko kaya mabuting huwag padalus-dalos sa pamimili lalo na sa online upang hindi magsisi. Ingatan natin ang pinaghirapang pera.