Inihayag ng National Disaster Risk Reductionm and Management Council na dalawang katao na ang naitalang nasawi habang higit isang milyon naman ang apektado sa pinagsamang epekto ng shear line at low pressure area sa Eastern Visayas.
Ayon sa NDRRMC, sa kabuuan ay 1,003,271 katao ang apektado sa pitong rehiyon, kabilang ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern at Western Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.
Nasa 270 kabahayan rin ang apektado at 45 ang nawasak.
Ang agricultural damage naman ay umabot na sa P119,897,021 na may 5,424 na mangingisda at magsasaka ang apektado at nasa 60 munisipalidad ang nawalan ng kuryente, apat na lugar ang naputol ang linya ng komunikasyon, at naapektuhan ang access ng isang lungsod sa suplay ng tubig.
Suspendido naman ang klase sa 180 iba’t ibang munisipalidad habang 32 bayan ang nagpatupad ng suspensiyon sa trabaho.
Kung matatandaan, pumasok ang LPA sa Philippine Area of Responsibility sa silangan ng Northeastern Mindanao noong November 17 at nagdala ng malakas na ulan sa Eastern Visayas at Caraga.
Batay pa rin sa latest situational report ng NDRRMC ang mga naapektuhang indibidwal ay mula sa 1,452 barangays sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.
Sa nasabing bilang, 48,411 individuals o 17,671 families ang nanatili sa 156 evacuation centers, habang nasa 32,699 katao o 9,357 pamilya ang pansamanatalang naninirahan sa labas ng evacuation centers o sa kanilang mga kamag-anak.
Ayon pa sa NDRRMC nasa kabuuang P65,301,144 halaga ng tulong ang naipamahagi na sa Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Isinailalim naman sa state of calamity ang Northern Samar kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan bunsod ng shear line.