Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong gahasain ang dalawang babaeng nakainuman nila.
Tinukoy ng mga otoridad ang isang suspek na menor de edad, 17-anyos at isang 20-anyos. Ang dalawang biktima naman ay nasa edad 18 at edad 17.
Ayon sa dalawang biktima, inantok at nakatulog sila nang makipag-inuman sa dalawang suspek na nagtagal hanggang alas-dos ng umaga.
“Nagising na lang siya nang mayroong humihipo sa kaniya, hanggang sa binaba na yung pati saplot niya and doon na nangyari yung panghahalay. After nung 20 years old, sumunod din yung minor,” saad ni Col. Mario Cortes, hepe ng Navotas Police.
Bukod dito, sinasabing kinunan din ng bidyo ng isa sa mga suspek ang umano’y panghahalay.
Naaresto naman ang mga suspek na nahulihan pa ng dalawang pakete ng marijuana.
Inamin ng dalawang suspek ang paggamit nila ng marijuana, ngunit itinanggi ang reklamong rape at iginiit na pumayag umano ang mga biktima.
“Ginagamit ko lang po [yung marijuana]. Nalasing po kami, siyempre po di na po namin alam tapos may nangyari po samin, pero di ko po naman sila pinilit na gahasain po. Sila din pumayag po sila eh,” sabi ng 20-anyos na suspek na kasukuluyang nasa kustodiya na ng pulisya.
Hawak naman ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad na suspek.
Nahaharap ang dalawa sa patong-patong na reklamong rape, illegal possession of drugs, at acts of lasciviousness.