Tinapos ng University of the Philippines ang paghahari ng Ateneo de Manila University nang daigin ng Fighting Maroons and Blue Eagles, 57-46, kahapon sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 men’s basketball tournament Final Four sa Smart Araneta Coliseum.
Nanaig rin ang No. 2 De La Salle University laban sa National University, 97-73, upang makaharap ang UP sa best-of-three championship na mag-uumpisa sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena.
Naitala ng UP ang kanilang ikatlong sunod na biyahe sa kampeonato ng ligang pangkolehiyo samantalang dinanas ng Ateneo ang unang pagkawala sa finals mula pa noong 2015 at unang pagkakataon na bigo ang coach nilang si Tab Baldwin na dalhin sila sa kampeonato.
Ang Most Valuable Player na si Malick Diouf ay nagtala ng double-double na 12 puntos at 16 na rebounds na may kasamang tatlong block at isang assist para sa UP upang putulin ang anim na sunod na pagpasok ng Ateneo sa Finals.
Llamado ang ADMU sa pagtatapos ng halftime, 25-22, bago pumutok ang Fighting Maroons sa ikatlong yugto nang tumira ito ng 20 puntos laban sa 12 ng Blue Eagles, bago kumapit sa depensa na naglimita sa mga natanggal na kampeon sa siyam na puntos lamang sa huling quarter.
Nagsanib pwersa sina Gerry Abadiano, Francis Lopez at Janjan Felicilda at inunat ang kanilang kalamangan sa siyam, 53-44, may 3:51 na lang ang nalalabi sa oras.
Umiskor si Joseph Obasa sa isang drive para putulin ang deficit ng Ateneo sa 46-53 sa nalalabing 2:23 ngunit ito na pala ang huling basket ng napatalsik na kampeon.
Muling kumana si Lopez ng isang buslo at dalawang free throws para dagdagan ang kalamangan ng UP sa 11 may 20 segundo na lamang ang natitira.
Nagtala si Lopez ng 12 puntos at 10 boards habang sina Felicilda at Abadiano ay nagtapos na may 10 at siyam na marker.
Nanatili ang Fighting Maroons sa landas ng pagbawi sa titulong nawala sa kanila sa Season 85.
Pinangunahan naman ni Chris Koon ang Ateneo sa kanyang 10 puntos at walong rebounds, habang si Kai Ballungay ay may walong marka habang at ang banyagang si Obasa ay may apat na puntos at humakot ng 10 boards.