Ibinunyag ng ‘only child’ nina Gretchen Baretto at bilyonaryong si Antonio “Tony Boy” Cojuangco na buntis siya sa kanyang negosyanteng mister na si Michael Hearn.
Makikita sa Instagram post ni Dominique Cojuangco nitong Sabado ang isang bidyo kung saan may niyayakap na tiyan ng babae at may tag na Michael Hearn.
May caption na “little blessing arriving in 2024,” ang post niya.
Nagbigay naman ng pagbati ang mga showbiz friends ng 28 anyos.
“Been waiting for this announcement,” komento ni Sofia Andres sa post ni Dominique.
“Congratulations guys,” saad naman ni Jerika Ejercito, anak ni dating pangulong Erap Estrada at Laarnie Enriquez.
“Congrats,” pagbati ng fashionistang si Laureen Uy.
Nito lamang Marso nang ikinasal sina Dominique at Michael sa San Agustin Church sa Maynila. Ang bonggang pribadong okasyon ay dinaluhan ng ilang artista kabilang na sina Ria Atayde at Andres. Dumalo rin ang duktor ng mga artista na si Aivee Teo.
Ginanap naman ang reception ng kasal sa National Museum of Natural History.
Taong 2020 nang magtapos bilang magna cum laude si Dominique sa prestihiyosong Fashion Institute of Design & Merchandising sa California.