Binisto ng isang senior citizen ang umano’y modus ng mga hotel, at marahil ng iba pang mga negosyo, upang masingil ang mga matatandang parokyano nila nang walang diskwento at bawas sa buwis na VAT sa kanilang binili o natanggap na serbisyo.
Ang modus ay paglabag sa pinalawig na batas na nagbibigay ng 20 porsyentong diswento sa biniling pagkain at ilang piling produkto ng mga taong 60 anyos pataas. Dito sila nakakaiwas magbigay ng diskwento at exemption sa buwis sa mga produkto at serbisyong binibigay sa mga matatandang kliyente.
Nagreklamo si Melinda Rada laban sa hotel sa Pasig dahil nangatwiran ito na hindi maimemenos ang diskwento at VAT exemption sa kanilang bayarin sa pagtulog ng dalawang gabi sa hotel dahil ang presyo ng nasabing serbisyo ay naka-promo.
Subalit hindi makapagpakita ang hotel ng katibayan na inaprobahan ng Department of Trade and Industry ang sinasabi nilang promo sa akomodasyon.
Sa inihaing reklamo ni Rada sa DTI, ang mga promo ay dapat aprobado ng DTI alinsunod sa Artikulo 116 ng Republic Act 7394 o Consumer Act upang hindi malinlang ang mga consumer.
Kung walang permiso sa DTI ang promo, kahit anong negosyo at maaaring magpahayag na nasa promo ang kanilang produkto at serbisyo upang hindi ito masakop ng batas na diskwento para sa mga matatanda.
Bagaman humingi ng tawad ang hotel kay Rada sa kanyang naranasan at nag-alok na maibalik sa kanya ang 20 porsyentong diskwento na may kasamang libreng overnight stay at agahan para sa dalawa, hindi ito tinanggap ng matanda. Sa halip ay sinabihan ang hotel na mag-donasyon na lamang ng P250,000 sa isang organisasyon ng mga senior citizen bilang danyos sa umano’y ibang matatandang nabiktima ng kanilang promong walang permiso sa DTI.
Tumanggi ang hotel na mag-donasyon ng ganoong halaga at sinabing itinama na nila ang kanilang pagkakamali na hindi mabigyan ang mga nagrereklamo ng nararapat na diskwento sa kanilang bayarin.
Gayunpaman, hinihintay pa ng nagreklamo ang desisyon ng DTI Fair Trade Enforcement Bureau sa kanyang reklamo laban sa hotel.
Malamang naglipana ang mga umaabuso ng presyong promo upang gulangin ang mga senior citizen nilang customer. Kung ang maraming restaurant ay sumusunod sa batas, bakit iwas pusoy ang iba na isang pagsasamantala sa mga senior citizen.
Kung marunong silang gumalang sa mga magulang nilang matatanda, bakit hindi nila magawang ituring na parang magulang ang mga matatandang parokyano at igalang sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng karampatan at tamang benepisyo ayon sa nakasaad sa batas?
Kung sa pagtanda nila ay pagkaitan din sila ng kanilang benepisyo bilang senior citizen, magugustuhan at matatanggap ba nila?
Hindi naman lahat ng parokyano ay puro senior citizen na ikalulugi ng mga hotel, restoran at iba pang mga negosyo. Tama na ang mga pekeng promo at ibigay ang diskwento.