Ilang buwan matapos manalo sa Lotto 6/42, kinubra na sa wakas ng isang dating overseas Filipino worker ang halos ng P22 milyon jackpot prize na binola noong Setyembre 21, 2023, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sa inilabas ng pahayag ng PCSO na nasa kanilang website, nakasaad na 65-anyos ang lucky winner na mula sa Pasig City na nanalo ng kabuuang P21,966,450.20 ang jackpot prize.
Kinubra umano ang premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City noong October 24, 2023.
Mula noong 1995, tumataya na umano sa Lotto 6/42 ang dating OFW, at mga petsa ng kapanganakan ng mga kaanak ang numero na kaniyang tinayaan.
Noong 2018, nanalo umano ng second prize ang dating OFW nang makuha niya ang lima sa anim na winning combinations kaya naniniwala umano ito na makukuha rin niya ang jackpot, na kaniya nang nakamit.
Plano ng lucky winner na gamitin ang napanalunan sa pagnenegosyo, pagtulong sa pagpapa-aral ng mga kaanak, at magtatabi rin para sa kaniyang kinabukasan.