Ibinahagi ng aktres na si Arci Munoz na nawalan siya ng P500,000 matapos manakaw ang kaniyang debit card habang natutulog sa isang flight mula Japan patungong South Korea noong November 6.
Ayon sa aktres, nang magising siya sa pagkakaidlip ay nakita pa niya ang lalaking suspek na kasama niya sa business class.
“Nag-nap ako, pag-gising ko, wala na ‘yung bag ko doon. Tapos ‘yung lalaki… nakatayo sa cubicle doon sa plane, sa cubicle ko. He was getting my magazine. Pagkakita ko, ‘yung bag ko nasa aisle na. Binitawan niya kasi nakita niya ako,” sabi ni Arci.
Agad naman niyang tiningnan ang kanyang mga gamit at sinabing inakala niyang kumpleto ito.
“Ayoko maging judgmental. I wanted to avoid conflict. Pagkita ko when I searched my bag, andoon naman ‘yung wallet ko. ‘Di ko na isa-isa ‘yung cards. Ayoko ng commotion. I told the flight attendant everything is here,” saad ng aktres.
Dalawang araw makalipas ang insidente ay nakatanggap umano siya ng notification mula sa kanyang bangko na ginamit ang kanyang debit card sa Ho Chi Minh, Vietnam, at Jakarta, Indonesia.
Aniya, nasa P500,000 ang nawalang pera sa kanya at inaapela pa niya ito sa bangko.
“Unfortunately, when I reported it sa bank, hanggang ngayon nag-a-appeal pa ako,” sabi ni Arci.
Ilan sa mga binili gamit ang card ng aktres ay mga brilyante at isang bagong iPhone.
Nagpakita naman ng pagkadismaya ang aktres at sinabing, “okay lang kung pinang-travel ko, pinang-produce ko ng pelikula. Pinaghirapan ko ‘yan. Ang sakit talaga.”
Dahil dito, pinalalahanan niya ang publiko na mag-ingat lalo na kung bumabyahe mag-isa.