Dead on the spot ang dalawang security guard sa isang unibersidad sa Silang, Cavite matapos pagbabarilin ng dati nilang katrabaho madaling araw ng Martes.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Ron Aldrin Siosa, na umano’y pagunahing target ng suspek.
Sa kuha ng CCTV ng unibersidad, makikitang saglit na nakipag-usap ang suspek, na nakasakay sa kanyang motor at may suot na helmet nang paputukan niya bigla ang dalawang biktima.
“Nag-usap pa sila ng several seconds. Pagtapat ng primary target niya, pinagbabaril na po niya kaagad. And after niyang barilin itong isang victim, sinunod naman po niya ‘yung isa. And tinitingnan natin diyan is na-identify na siya nung isang victim kaya isinama na niya,” pahayag ni PLtCol. Louie Gonzaga, hepe ng Silang Municipal Police Station.
Batay sa imbestigasyon, may personal na galit umano ang suspek kay Siosa.
“Itong suspek natin dati ring security guard but he was dismissed because of several reports of irregularities, misconduct. But ‘yung pinagkagalitan kasi nung isa sa mga victim at saka itong suspek has to do with money,” saad ni Gonzaga.
“Several witness came forward telling us na talagang masama ‘yung away nung dalawa. Dumating na sa point na nagkabantaan and magkasaulian ng kandila because magkumpare itong dalawa,” dagdag pa niya.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na day-off ni Siosa noong araw na naganap ang krimen, ngunit kinailaingan niyang rumelyebo dahil hindi makakapasok ang isang guwardiya na kapatid daw ng suspek.
Kasalukuyang tinutugis na ng mga otoridad ang suspek na nahaharap sa kasong pagpatay.