Nanawagan nitong Huwebes si Vice President Sara Duterte sa liderato ng Kamara de Representates na igalang nila ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigsayon na isinasagawa ng International Criminal Court sa war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang panawagan ng Bise Presidente ay kasunod nang mga nangyayaring “biglaan at hindi ipinahayag na magkasanib na pagpupulong” sa House of Representatives tungkol sa pagsisiyasat ng ICC.
Giit ni VP Sara, inihayag na ni Marcos na tatapusin na ng Pilipinas ang ugnayan nito sa ICC matapos tanggihan ng korte ang apela ng gobyerno na itigil ang imbestigasyon ng ICC prosecutor sa mga “crimes against humanity” na ginawa umano ng kanyang ama sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
“Given this clear standpoint, we urge the House to respect the position of the President, who is the chief architect of our foreign policy,” saad ni VP Sara. “The President has likewise affirmed that his opinion is based on the fact that the ICC ceased to have jurisdiction over the Philippines upon the effectivity of our withdrawal from the Rome Statute on March 17, 2019.”
Sinabi rin ng Bise Presidente na ang pagpayag sa ICC na imbestigahan ang “mga diumano’y mga krimen na nasa ilalim na ngayon ng eksklusibong hurisdiksyon ng ating mga tagausig at ng ating mga Korte ay hindi lamang malinaw na labag sa konstitusyon ngunit epektibong minamaliit at nagpapababa sa ating mga legal na institusyon.”
“Huwag nating insultuhin at bigyan ng kahihiyan ang ating mga hukuman sa pamamagitan ng pagpapakita sa mundo na tayo ay naniniwala na mga dayuhan lang ang tanging may abilidad na magbigay ng katarungan at hustisya sa ating sariling bayan,” sabi ni VP Sara.
Kung matatandaan, nitong Martes ay nag-file ng resolusyon si Manila Representative Bienvenido Abante Jr. na nagsasabing dapat magkaroon ng koordinasyon ang Marcos administration sa isinasagawang ICC probe.
Isang kaparehong resolusyon rin ang inihain nina Makabayan bloc lawmakers France Castro ng ACT Teachers party-list, Arlene Brosas ng Gabriela party-list, at Raoul Manuel ng Kabataan party-list noong Oktubre.
Tinanggihan ng ICC Appeals Chamber ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na itigil ang pagsisiyasat sa mga pagpatay sa giyera sa droga, at sinabing nabigo ang gobyerno ng Pilipinas na patunayan na ang isang lehitimong imbestigasyon at ang pag-uusig sa mga salarin ay isinasagawa ng mga lokal na awtoridad.
Sa ilalim ng drug war, hindi umano bababa sa 6,200 suspek ang napatay sa mga operasyon ng pulisya batay sa mga tala ng gobyerno. Ang mga grupo ng karapatang pantao, gayunpaman, ay nag-claim na ang aktwal na bilang ng mga namatay ay maaaring mula 12,000 hanggang 30,000.
Noong 2019, ang Pilipinas, sa ilalim ng dating Pangulong Duterte, ay umatras sa Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng ICC, matapos simulan ng tribunal ang isang paunang pagsisiyasat sa digmaang droga ng kanyang administrasyon, na sinundan ng paglulunsad ng isang pormal na pagtatanong sa huling bahagi ng taong iyon.
Noong 2021, sinabi ng Korte Suprema na ang Pilipinas ay may obligasyon na makipagtulungan sa ICC sa kabila ng pag-alis nito sa Rome Statute.
Sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes na makikipagpulong siya kay Executive Secretary Lucas Bersamin upang linawin ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas sa pagiging miyembro nito sa ICC.