Isang vlogger na wanted pala at nagtatago sa batas sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga ang naaresto nang makipag-collab siya sa isang undercover cop sa Pasig City.
Ayon sa mga ulat, gumagamit na ng ibang pangalan ang suspek.
Sa isang video, makikitang nakipag-selfie pa muna ang mga nakasibilyang pulis sa suspek bago siya arestuhin.
Napag-alaman na may arrest warrant ang suspek sa Tacloban, Leyte dahil sa kaso tungkol sa ilegal na droga na kaniyang tinakasan.
Sa Pasig nagtago ang suspek at gumamit ng ibang pangalan hanggang sa natutong maging vlogger. Pero nang dumami ang kanilang followers at mag-post na ng kaniyang videos, dito na siya natunton ng mga awtoridad at ikinasa ang entrapment “collab” operation.
Ayon sa mga awtoridad, binabaan ang kaso at pansamantalang nakalaya ang suspek matapos na pumasok sa plea bargain agreement.
Pero nang makalaya, hindi na siya sumipot sa ibang pagdinig sa kaso at nagtago na.
Iginiit naman ng suspek, na sinisipot niya ang hearing sa kaniyang kaso.
Ayon kay Police Major Edwin Canamaque, Public Information Office, Tacloban City, naaresto ang suspek noong 2016 sa buy bust operation.
Mula nang makuha ang pansamantalang paglaya, hindi umano nagreport ang suspek sa probation officer na isang malaking kasalanan.