Isang kotseng mabilis ang takbo ang sumabog at lumipad na parang bolang apoy pagsalpok sa checkpoint ng border crossing ng Estados Unidos at Canada nitong Biyernes.
Patay ang dalawang sakay ng kotseng nadurog at makina na lamang ang natira sa lakas ng pagbangga sa barrier ng Rainbow Bridge crossing malapit sa Niagara Falls sa New York, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Kumalat din ang debris ng pagsabog sa 14 lane ng crossing.
Napilitang isara ang border crossing at nagkaroon ng malawakang alerto sa seguridad sa dalawang bansa ang sakuna na nangyari sa bisperas ng Thanksgiving holiday sa Estados Unidos kung kailan marami ang bumibiyahe pauwi sa kanilang pamilya upang magdiwang ng okasyon.
Isinara rin muna ang Niagara Falls State Park na dinarayo ng milyun-milyong bisita taun-taon bilang pag-iingat.
Sinabi naman ng gobernadora ng New York na si Kathy Hochul na hindi terorismo ang nangyari dahil walang ebidensya na gawa ito ng terorista.
Hindi pa kilala ang dalawang namatay na biktima ngunit ang kotse nila ay nagpapahiwatig na taga-kanlurang New York sila.
Ayon sa mga saksi, nakarinig sila ng malakas na pagsabog at nakita ang malaking usok malapit sa inspection station.
Isang daang milya kada oras ang bilis ng takbo ng kotse bago ito sumalpok, ayon taga-Canada na si Mike Guenther na bumibisita sa Estados Unidos nang masaksikhan ang sakuna.
Lumipad ang kotse na tila bolang apoy at nabalot ng usok ang paligid, dagdag niya.
Isa namang bisita na taga-Ukraine, si Ivan Vitalii, ang nakakita sa kotse na lumabas sa parking lot at dumeretso sa tulay.
Tumutulong sa imbestigasyon ng insidente ang New York Police Department, sabi ni New York City Mayor Eric Adams.