Binaril at napatay sa loob ng kaniyang sasakyan ang dating alkalde ng Cateel, Davao Oriental. Nangyari ang krimen sa Davao City nitong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Giselo Velasco Castillones, na naging alkalde ng Cateel mula 1983 hanggang 1986.
Ayon sa imbestigasyon, nangyari ang pamamaril dakong 10:00 am sa labas ng isang fastfood sa Barangay Buhangin sa Davao City at bukod sa biktima, isinugod rin sa opsital si Julie Castro na nagmamaneho ng sasakyan.
Nakaupo sa tabi ni Castro sa passenger seat si Castillones, na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Ayon sa saksi, isang lalaki ang nakita niyang bumaril sa biktima.
Kaagad na nagtungo sa pinangyarihan ng krimen si Davao Oriental Representative Nelson Dayanghirang.
Aniya, matagal na niyang kaalyado sa pulitika si Castillones.
Nanawagan siya sa kapulisan na lutusin ang krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at aalamin kung may kaugnayan sa pulitika ang pagpatay kay Castillones.