Isang miyembro ng kultong nananampalataya kay Satanas ang nakalaya sa pagkakabilanggo sa Russia matapos sumali sa pakikidigma sa Ukraine.
May umalma sa pagpapalaya kay Nikolai Ogolobyak, 33, na nahatulang mabilanggo ng 20 taon dahil sa pagpatay ng apat na teenager noong 2008 sa isang ritwal ng kanilang Satanistang kulto.
Pinalaya siya ngayong Nobyembre matapos lumahok sa paglaban sa mga tropang Ukrainian, ayong sa ulat ng mga lokal na media nitong Martes.
Sinabi ng tagapagsalita ng Kremlin na si Dmitry Peskov na may nagmumungkahi na baguhin ang patakaran ng gobyerno na nagpapalaya sa mga bilanggong may mahabang sintensya at nakagawa ng karumaldumal na krimen kapalit ng paglaban nila sa silangang Ukraine na sinakop ng Russia mula pa Pebrero 2022.
Subalit sinabi ni Peskov na mananatili ang kondisyon na paglaya ng bilanggo kapalit ng pakikidigma sa hanay ng mga sundalong Ruso.
Kasamang nabilanggo ni Ogolobyak ang anim na miyembro ng kulto dahil sa pagpatay sa apat na teenager sa Yaroslavl at hanggang 2030 pa dapat siyang nakakulong.
Subalit siya ay isinali sa batalyong Storm-Z na kinabibilangan ng mga nasintensyahang kriminal.
Nagtamo ng pinsala si Ogolobyak sa pakikidigma at nabaldado, ayon sa kanyang tatay.
May 100,000 bilanggo ang kinuha ng gobyerno sa mga piitan upang makidigma sa Ukraine, ayon sa grupong Okga Romanova.
Kontrobersyal ang polisiya ng Kremlin dahil umano muling gumawa ng krimen, kabilang ang pagpatay, ang mga kriminal na nakalaya at nakalabas na sa army matapos makipaglaban sa gyera. (Batay sa ulat ng Agence France-Presse)