Inihayag ni Vice President Sara Duterte na buo ang suportang gagawin niya at ng kanyang pamilya sakaling muling bumalik sa pulitika si Pangulong Rodrigo Duterte gaya nang nauna na niyang maipahayag.
“Kung ano man iyong decision ni Pangulong Duterte ay buo ang suporta ng pamilya sa kanya. Just like kung ano man ang mga desisyon naming anak regarding sa politika, buo din ang suporta ng pamilya sa amin. Ganoon din ang suporta namin sa desisyon ni Pangulong Duterte,” sabi ni VP Sara.
Kung matatandaan, sinabi ng dating Pangulo na aalis siya mula sa kanyang retirement at tatakbong muli kung sakaling matutuloy ang mga kumakalat na alingasngas na mayroong planong iimpeach si VP Sara.
“Iyong binigay ni Marcos, iyon ang dapat i-audit. I-audit po at tingnan mo kung may mali, kung nagastos ba ng pribado na kamay o para talaga sa gobyerno. Then you go to impeachment,” saad ng dating Pangulo sa isang SMNI interview.
“You cannot go into a guessing game na basta nalang i-impeach. For what? Intelligence fund? Binigay sa ‘yo eh, bakit ibigay mo sa akin kung hindi ko gastusin? Alam niyo kapag ginawa niyo iyan, babalik ako sa pulitika. Mapilitan ako. It’s either I run for senator or I run for vice president, maski matanda na ako,” sabi pa niya.
Nitong nakaraan rin ay sinabi ni VP Sara na tinitingnan na nila ngayon ang mga alegasyong may plano umanong tanggalin siya sa puwesto at manggagaling umano ang mga planong ito mula sa House of Representatives.
Pero pinabulaanan naman ito ni House Speaker Martin Romualdez.