Ayaw umalis ng may 200 Rohingya na dumaong sa dalampasigan ng Sabang sa Aceh, Indonesia kahapon nang sila’y ipagtabuyan ng mga tagaroon.
”Nagdusa na kami ng 15 araw sa dagat. Ayaw na naming pumunta sa ibang lugar. Nais namin na manatili sa bansang ito,” sabi ni Abdul Rahman, isa sa mga Rohingya refugee, ayon sa Agence France-Presse.
Galing pa sa mga kampo ng lumikas sa Bangladesh ang mga pangkat etniko na mula sa Myanmar.
Batay sa ulat, ang mga dumaong na Rohingya sa Sabang ay binubuo ng 91 babae at 56 na bata.
Pagkadaong ay nagpahinga at natulog sila sa beach ng Sabang nang walang sapin. Tanging flashlight lang ang nagsisilbing ilaw ng grupo sa beach tuwing gabi.
Naglagay ang mga lokal na opisyal ng dilaw na kordon sa paligid ng mga Rohingya upang hindi sila tumakas.
Ilang ulit na ipagtabuyan ang mga Rohingya nang sila ay nakarating sa ibang bahagi ng Aceh. Hindi sila pinayagang bumaba sa kanilang sakay na barko kaya tumuloy sila sa ibang bayan.
May mga lumangoy sa pampang ngunit sila’y pinabalik sa barko.
Tinatayang nasa mahigit isang libong Rohingya sakay ng iba-ibang barko ang nakarating sa Aceh, Indonesia at dumaong sa baybayin nitong nakaraang liinggo.
Ayon sa mga lokal ng Aceh, hindi nila tinatanggap ang mga Rohingya sa kanilang lugar dahil kinokonsumo daw ng grupo ang limitado nilang pagkukunan ng pagkain, at madalas din umano silang hindi magkasundo.
Batay sa ulat ng AFP, mahigit isang milyong Rohingya na ang umalis sa Myanmar simula dekada 1990, at karamihan ay noong 2017 noong pinagpapatay umano ang mga Muslim sa Myanmar.