Matapos ang halos tatlumpung oras, naibaba na rin mula sa mataas na poste ng kuryente ang isang lalaking magdamag na tumambay roon at pinahirapan ang mga rescuers sa pagsagip sa kanya sa Barangay Calumpang.
Sa mga kuhang video sa social media, parang eksena sa pelikula ang ginawang pag-rescue sa lalaki dahil sapilitan na umanong ibinaba ito mula sa poste ng kuryente dahil sa perwisyong idinulot nito sa mga residenteng malapit doon.
Pinatay kasi ng Meralco ang linya ng kuryente upang maiwasan ang mga hindi magandang pangyayari.
Kita rin sa video na naghiyawan ang mga tao nang makuha at maibaba na mula sa poste ang lalaki.
Nagawang makalapit ang mga tauhan ng Specialized Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection at mga kapatid ng lalaki sa tuktok ng poste gamit ang manlift o mahabang crane.
Pero hindi naging madali ang pagkuha sa lalaki dahil nanlalaban ito at nanghahataw ng kaniyang hawak.
Nang makakuha ng pagkakataon, hinatak nila ang lalaki sa kanilang kinalalagyan sa manlift.
Bago masagip, may pagkakataon pa na tumatawid ang lalaki sa mga kable ng kuryente.
Dahil sa ginawa ng lalaki, mahigpit 4,000 kabahayan ang naapektuhan at nawalan ng suplay ng kuryente simula nang umakyat ito sa poste kahapon.
Sinabi sa ulat na dadalhin muna sa ospital ang lalaki para masuri ang kondisyon nito.
Ayon pa sa ulat, ikinuwento ng kapatid na may problema sa pamilya ang lalaki na hiniwalay ng asawa at gumagamit ng ilegal na droga.