Iniulat ng mga otoridad nitong Miyerkules na isang dating mayor ng Cateel sa Davao Oriental ang namatay matapos umanong pagbabarilin ito sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa labas ng isang fast food restaurant sa Barangay Buhangin Proper, Davao City.
Kinilala ang biktima na si Giselo Castillones, mayor ng Cateel noong 1980s na namatay matapos magtamo ng limang tama ng bala at idineklarang dead on arrival sa Southern Philippines Medical Center.
Ayon kay Davao City police spokesperson Capt. Hazel Tuazon, sugatan rin sa insidente ang kanyang driver na si Junie Castro habang hindi naman nasaktan ang kasama nilang babae sa likod ng sasakyan.
Kababalik lang ng mga biktima sa SUV matapos kumain sa fast food outlet nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang 5 basyo ng kalibre .45 na pistola. Naglagay ng mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang makatulong sa paghuli sa mga salarin.