Iniulat ng mga otoridad na anim na kataong nagpakilalang mga pulis sa Zamboanga City ang tumangay ng isang kaha-de-yero na naglalaman umano nang aabot sa P2 milyon.
Base sa mga ulat, naganap ang insidente noong Nobyembre 14 kung saan pinasok ng anim na armadong lalaki ang isang bahay para magsilbi raw ng warrant of arrest sa isang lalaki pero wala naman daw inaresto ang mga suspek at sa halip ay tinangay nila ang P2 milyon na cash na laman ng vault sa nasabing bahay.
Matapos ang ilang araw, naaresto na ang lima sa mga suspek at apat sa kanila ang kumpirmadong pulis. May ranggo silang police lieutenant, patrolman, police master sergeant at police staff sergeant.
Napag-alaman naman na isang dating pulis ang panglimang suspek, habang patuloy pang pinaghahanap ang pang-anim.
Nakuha sa mga suspek ang ilang bala, baril at sachet ng hinihinalang shabu. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Zamboanga City Police Station 6.
Ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9), mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga aktibong pulis.
“Para sa amin isang disgrace ito, hindi katanggap-tanggap na gawain ng isang kapulisan,” saad ni Police Lieutenant Colonel Helen Galvez, tagapagsalita ng PRO-9. “So we’ll continue to investigate further for networks, for links. Hindi natin alam kung itong mga involved dito ay may kasamahan pa.”