Nagbabala si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magdadalawang-isip na bumalik sa pulitika at tumakbo uli sa eleksyon kung sakaling matuloy ang banta na mapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.
Ayon sa dating Pangulo, handa siyang lumabas mula sa kanyang retirement sa pulitika kung mangyari ang impeachment laban sa kanyang anak na si VP Sara.
Ang mga naging pahayag ni Duterte ay kasunod nang mga usap-usapan na may ilang mambabatas sa Kamara de Representantes na planong ipa-impeach si Sara dahil sa isyu ng confidential funds sa kaniyang tanggapan na umabot na sa Korte Suprema.
“Alam ninyo ba kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa pulitika… Mapilitan ako—it’s either I run for senator or I will run for vice president maski matanda na ‘ko,” sabi ni Duterte sa panayam ng SMNI nitong Lunes ng gabi.
“Mapipilitan akong lumabas sa retirement eh. When I begin to talk…election is just around the corner, talagang magka-babuyan tayo. I do not lose anything, I’m retired. Pero pagdating niyan na buhay pa ‘ko, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong…vice president… Kung si Inday ang presidente, okay lang,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni VP Sara, na susuportahan niya kung ano man ang plano ng kaniyang ama.
“Kung anuman ang desisyon ni Pangulong Duterte ay buo ang suporta ng pamilya sa kaniya. Just like kung anuman ‘yung mga desisyon namin na mga anak regarding sa pulitika, buo din ang suporta ng pamilya sa amin, ganoon din ang suporta namin sa desisyon ni Pangulong Duterte,” sabi ni VP Sara sa isang ambush interview nitong Martes.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes na hindi dapat matanggal sa posisyon si VP Sara.
“Binabantayan namin nang mabuti because we don’t want her to be impeached, we don’t want her to… she does not deserve to be impeached so we will make sure that this is something we will pay very close attention to,” sabi ni Marcos sa panayam habang nasa Hawaii nitong Lunes.
Sinabi rin ni House Speaker Martin Romualdez, na “there’s nothing in the offing” nang tanungin tungkol sa bantang impeachment laban kay VP Sara.
“Nothing filed, no news of that,” saad ng lider ng Kamara kung saan nagsisimula ang impeachment process.