Iniulat ng mga otoridad nitong Martes na umabot na sa lampas-tao ang baha sa ilang bahagi ng Northern Samar dulot ng halos walang tigil na pag-ulan na dala ng shear line na nakakaapekto sa Visayas.
Base sa mga paunang ulat, halos abutin na ng baha ang ikalawang palapag ng mga bahay sa Barangay Cagogobngan sa bayan ng Catubig at ang mga residenteng walang bangka, lumangoy na lang para makatawid papunta sa lilikasang mas mataas na bahay.
Humingi naman ng saklolo ang ilang residente sa bayan ng Catarman dahil lagpas bubong na rin ang baha.
Kuwento ng isang residente sa Barangay Ipil-ipil, bigla umanong tumaas ang tubig alas-2 ng madaling araw at lumagpas ng bubong ng kanilang bahay ang baha kaya lumikas sila sa kapitbahay nila na mataas ang tahanan. Nababahala sila dahil patuloy ang pagbuhos ng ulan kung kaya patuloy pa rin ang pagtaas ng baha.
Nakakadagdag sa pagkabahala ng residente ang mga kasamang bata at sanggol at para masigurong ligtas ang sanggol, inilagay na lang ito sa isang planggana nang itinawid sa baha.
Pati ang pinaglalamayan nilang kabaong ng namatay na kaanak, inabot na rin ng baha.
Dagdag niya, may ilang ga residente pang na-trap sa baha sa kani-kanilang bahay. Pero hirap umano ang mga rescuer na mapuntahan sila dahil sa lakas ng agos ng baha.
Binaha rin ang downtown proper ng Catarman, kung saan inabot ng tubig ang mga sasakyan.