Inihayag ng Philippine Ambassador to Italy na si Neal Imperial na kasama umano ang mga Pilipino sa listahan ng mga manggagawang pinapayagang pumasok sa Italya para sa iba’t ibang uri ng trabaho ayon sa Decreto Flussi o “Flow Decree”.
Ang Decreto Flussi ay tumutukoy sa taunang kautusan ng pamahalaan ng Italya na naglalatag ng regulasyon para sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa Italya para sa layunin na makapagtrabaho alinsunod sa partikular na mga kondisyon at quota.
Ayon kay Imperial, mayroong espesipikong alokasyon para sa iba’t ibang sektor at uri ng trabaho. Ang kautusan ay layuning tugunan ang pangangailangan sa work force sa Italya at pamahalaan ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa batay sa pang-ekonomiyang pangangailangan ng bansa.
Kabilang dito ang agrikultura, turismo, konstruksiyon, transportasyon, at iba pang industriya. Ang programang ito’y mahalagang bahagi ng patakaran ng Italya sa imigrasyon, na nagbibigay-daan sa pamahalaan na kontrolin at planuhin ang pagpasok ng dayuhang manggagawa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang merkado ng paggawa.
Ikinatuwa rin ng envoy ang pahayag ng pamahalaan ng Italya hinggil sa pagsasama ng mga Pilipino sa listahan ng mga manggagawang mula sa mga bansang hindi kabilang sa European Union, na maaaring pumasok sa Italya sa ilalim ng Decreto Flussi at pinakabagong kautusan ng Prime Minister ng Italya.
Ito’y alinsunod na rin ito sa mahusay na bilateral relations at kooperasyon sa mga usapin ng migrasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Sabi ni Imperial, patuloy ang mataas na pangangailangan para sa mga Pilipino sa Italya sa iba’t ibang sektor dahil na rin sa kalidad ng trabaho na ibinibigay ng mga Pinoy.
“There continues to be a high demand for Filipinos in Italy across different sectors. As one of the earliest labor communities in Italy, there is familiarity and preference for the high quality of work offered by Filipinos,” sabi ni Imperial.
Ang pinakabagong kautusan ng Prime Minister ay nagtatag ng tatlong taong forecasting ng mga quota kung saan ang kabuuang 452,000 dayuhan y tatanggapin sa Italya para sa mga seasonal at non-seasonal subordinate work at self-employment.
Nahahahati ito sa 136,000 dayuhan para sa taong 2023; 151,000 dayuhan para sa taong 2024; at 165,000 dayuhan para sa taong 2025.
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang halaga ng remittances papuntang Pilipinas mula sa Italya ay umabot sa $151.525 milyon.