Anim na Pilipino ang kabilang sa mga manggagawang inilikas mula sa Myanmar at dinala sa ligtas na lugar kasunod ng paglaban ng mga grupong laban sa military junta at ayon sa Thai foreign ministry, kasama sa mga inilikas ang ilang kawani ng United Nation.
Nitong nakaraang buwan, nagsagawa ng pagsalakay ang alyansa ng ethnic minority na kaalyado ng pro-democracy parallel civilian government, laban sa military junta na umagaw ng kapangyarihan ng kanilang gobyerno noong 2021.
Daan-daang dayuhan, na karamihan ay mula sa kalapit na bansa, ang naipit sa labanan ng dalawang naglalabang grupo. Partikular dito ang Shan State sa northeastern border ng China at Kayah State, na nasa eastern border ng Thailand.
Nitong Lunes, sinabi ng China na tutulong ito sa mga dayuhan na makaalis ng Myanmar, kasabay ng pag-abiso sa kanilang mga kababayan na lumikas papunta sa ligtas na lugar.
Ayon sa civilian government-in-exile ng Myanmar, pansamantalang itinigil ng anti-junta forces sa Kayah State ang kanilang opensiba para makaalis ng Loikaw ang nasa 228 aid workers, kabilang ang UN staffs.
“While UN and NGO staff and family members were able to leave safely, many people remain trapped inside Loikaw,” saad sa pahayag ng National Unity Government sa post sa X, dating Twitter.
Dinala umano ang mga manggagawa sa Taunggyi sa Shan State, na nasa ilalim ng junta control.
Mahigit na 250 Thais, anim na Pinoy at isang Singaporean naman ang dumating sa Thailand nitong weekend matapos silang ilikas mula sa northern Myanmar via China, ayon sa Thai foreign ministry.