Tinamaan ng isang ginang mula sa Cebu City ang jackpot prize sa MegaLotto 6/45.
Mula Cebu City, bumiyahe papuntang opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa Mandaluyong City ang nasabing housewife para kunin ang napanalunang niyang jackpot.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO nitong Martes na makikita sa kanilang Facebook page, sinabing isang kombinasyon lang ng mga numero ang tinayaan ng babae sa pamamagitan ng “Lucky Pick,” o makina ang pumili ng mga numero.
Ang naturang taya na isang kombinasyon ay nagkakahalaga ng P20.
Ang lumabas na mga numero sa nasabing draw ay 04-34-02-28-42-20, na umaabot sa P30,052,036.20 ang premyo.
Ayon sa PCSO, dalawa ang nanalo sa naturang draw na maghahati sa premyo.
Ang isa pang mananaya na kahati ng ginang na mula sa Cebu ay nagmula naman sa Sultan Kudarat, saad sa pahayag ng PCSO.
Sinabi umano ng ginang na sampung taon na siyang tumataya sa lotto.
“Isang LP naman ang tinaya ko! Ang katwiran ko, maliit man yan o malaking taya kung mananalo ka sa iyo. Finally after ten years of trying nakatsamba din. That is the game of chance,” paliwanag umano ng ginang nang kunin ang kalahati ng jackpot noong Nobyembre 9.
Idinagdag ng ginang na hindi umano siya makapaniwala nang malaman na nanalo siya.
“At first hindi ako makapaniwala until I came here at naiabot na sa akin yung tseke ko doon ko lang naramdaman na totoo ngang nanalo ako,” sabi pa ng ginang na magiging masaya raw ang kanilang Pasko.