Ilang mga bayan sa lalawigan sa Capiz ang nananatiling lubog pa rin sa tubig-baha dahil sa mga pag-uulan na dala ng shear line.
Sa mga kuha sa social media, kita ang lawak ng tubig baha sa isinagawang aerial survey ng Sigma Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Martes ng umaga.
Sa bayan ng Mambusao, malalim pa rin ang tubig baha sa kalsada sa Barangay Tugas, at tanging ang mga malalaking sasakyan lamang ang maaaring dumaan sa kalsada dahil sa taas ng tubig baha.
Ayon kay John Paul Lusabia ng Mambusao disaster office, 18 barangay sa bayan ang binaha at higit sa 1,000 residente ang inilikas sa kani-kanilang mga bahay.
Isang landslide naman ang naitala sa lugar.
Sa datos ng Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office umabot sa 12 bayan at 92 na barangay ang binaha.