Ang giyera patani nina Andrea Brillantes at Kathryn Bernardo, mas umiigting at umiinit ang mga kaganapan.
Ngayon, si Blythe, tumigil sa pagsunod sa Instagram account ni Bernardo. Matatandaan na una si Queen Kath sa galawang hindi na niya sinusubaybayan ang IG account ng “Senior High” bida. Pawang haka-haka at ispekulasyon ang inilalako sa chismisan merkado ung bakit nangyari sa “mag-ate” ang ganitong sitwasyon.
Sa social media, grabehan ang mga pang-aalaghi at batikos na ipinupukol kay Andrea, ang maalindog. Kung magsulat ang mga netizen ng mga bagay-bagay patungkol kay Blythe, durog-durog ang pagkatao at pagkababae nito. Kumbinsido silang lahat na ito ang salarin at tunay na mapanakit.
Sa kaguluhang ito, tahimik si Daniel Padilla. Hindi nagdadagdag ng sagitsit para lalong mag-init at pagpiyestihan ang diumanong gusot at sigalot sa mahigit isang dekadang relasyon nila ni Bernardo.
Ayon sa mga nagmamagaling, kaya walang makapag-salita sa KathNiel tungkol sa kanilang relasyon ay dahil may mga kontrata silang dapat ay magkasintahan at magkasama sila. May mga paparating pa daw na mga bagong produkto na dapat ay KathNiel pa sila. Kung magpapakatotoo nga ang magsing-irog, malaking pera, ang mawawala at tiyak, hindi lang iaamba, may demandahang magaganap.
Chika pa mula sa mga babaing walang balakang, diumano itong si Bernardo eh “malaya” na ang dramarama sa buhay at masaya ito na wala na ang bawal-bawal at nagagawa na nito ang mga gustong gawin.
Lahat ng katotohanan ay may iba’t-ibang bersyon. May bersyon si Kathryn. May bersyon si Brillantes. May bersyon si Daniel. At higit sa lahat, may bersyon ang katotohanan at pawang katotohanan lamang. Ang tanong, pag sumambulat ang katotohanang ito, kakayanin ba nating tanggapin?
***
Hiwalay na naman pala sina Kris Aquino at Marc Leviste, huh!
Kahit pa nga captured for posterity ang larawan nilang magkakasama sa kuarto noong dinalaw ni Angeline Quinto ang kanyang Ate Kris, tapos na naman pala, ayon sa tinagurian dating Queen of All Media ang pagmamahalan nila ng Batangas Vice Governor.
“Stressor” ang bagong salitang ginamit ni Aquino sa kanyang pahayag sa IG ang tinanggal niya sa kanyang buhay at dahil wala na nga ito, mas bumubuti ang kanyang pakiramdam at kalusugan.
Syiempre pa, panlilibak ang muling tinanggap ni Kristine Bernadette sa hiwalayang ito. Umay na umay na ang lahat sa “pag-iinarte” nitong parang disisais anyos na pababago-bago ang isip at mood na tila naka-depende sa kabilugan ng buwan at ihip ng hangin.
Pati rin ang panawagan niya sa “privacy”, pangmalakasan ang talak. Kung gusto niya kasing maging private citizen Kris, ang hamon ng mga nagmamasid, dapat na niyang i-deactivate ang kanyang social media accounts at tantanan na niya ang updates.
Ang talagang “stressor” ni Kris ay ang sarili niya. Ang kanyang pagpapakatotoo at pagpapahayag sa social media ang dahilan kaya hindi niya makamit ang kapayapaan ng kalooban at pag-iisip.
Ang mga netizen nga, ayaw na patulan pa ang hiwalayan nila ni ginoong Leviste dahil tiyak, ang pagbabalikan ay mangyayaring muli. Ang turing na sa hiwalayang ito ay isang sirang plaka.
Kaya Kris Aquino, tama na, sobra na, itigil ang dramarama. Magpagaling at magpalakas ka na lang at ang pagyakyak sa social media, iwaksi na!