Kalaboso ang isang drayber ng dyip sa Iloilo matapos mahulihan ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga.
Kinilala ang suspek na si Menandro Jelilang na taga-Barangay San Miguel Ilaya, Tapaz, Capiz, na naaresto bandang 2 p.m, nitong Linggo noong maghahatid sana siya ng suplay ng droga sa Poblacion, Bingawan.
Batay sa ulat, nahulihan ng 14 pakete ng hinihinilang shabu ang edad 44 na suspek na sinasabing aabot umano sa P2.414 milyon ang halaga.
Ayon kay P/Lt. Ryan Christ C. Inot, officer-in-charge ng Bingawan Municipal Police Station, isang taon nang nagsisilbing runner ang suspek at nalulong sa gawain dahil umano sa malaking kinikita tuwing delivery na tinatayang nasa P3,000 hanggang P6,000 — mas malaki kumpara sa kinikita niya sa pamamsada.
Batay sa ulat, tinatrabaho ng suspek ang mga bayan ng Lambunao, Calinog, Janiauy, Pototan, Passi City, at iba pang karatig probinsya nito.
Anang mga awtoridad, maaaring nagtatarabho si Jelilang para sa isang malaking drug personality na si Crismark Blancaflor na una nang nahulihan ng P13 milyon halaga ng shabu sa San Carlos City, Negros Occidental nitong Agosto.
Bukod dito, may koneksyon din umano ang suspek sa isang alias Eman ng Brgy. Lanit, Jaro, Iloilo, at kasalukuyang nasa labas ng kulungan matapos maghain ng plea bargain.
Nasa kustodiya na ng kapulisan si Jelilang na siyang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.