Kinilala ang Pilipinas bilang top 13 sa pinakamaraming taong bansa, ayon sa Commission on Population and Development nitong Lunes.
Ayon sa ulat ng ahensya, inaasahang papalo na sa 115 million-mark ang bansa pagtapos ng taon.
Taong 2020 nang ikinasa ang huling population census kung saan ang bilang ng populasyon ay mahigit 109 milyon na at sa panahong din ito ay 1.6 porsiyento ang annual population growth.
“Ang Pilipinas ang 13th most populous country around the world at 7th in the Asia-Pacific region,” saad ni POPCOM officer in charge Lolito Tacardon.
Batay sa kanilang ulat, mayorya ngayon sa mga Pilipino ay nasa ‘working age population’ o mga may edad 15 hanggang 64.
“Malaki po ang chance natin na ma-accelerate ang ating economic development,” sabi ni Tacardon at giit niya, bumaba nitong mga nakaraang taon ang mga kabilang sa ‘dependent ages’ o mga may edad 0 to 14.
Sa naging pagsusuri, sinabi rin ng opisyal na ang average number ng anak ng isang Pilipina ay dalawa.
“If manageable po yung bilang ng anak ng bawat pamilya, magkakaroon ng mas malaking investment para sa kanilang kalusugan, pag-aaral at other needs,” saad ni Tacardon.
Samantala, binigyang-diin din ng opisyal ang pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy sa bansa.
“Pabata nang pabata na teenage pregnancy… Among 0-14 years old, dumadami yung bilang ng mas maagang nabubuntis,” dagdag niya.
Ayon pa sa opisyal, ilan sa mga salik sa problemang ito ay nito ay ang kakulangan ng impormasyon sa mga kabataan at posibleng pagtaas ng mga kaso ng panggagahasa.
Kaugnay nito, patuloy ang pamahalaan sa pagpapakalat ng impormsyon sa mga paaralan at komunidad tungkol sa teenage pregnancy.