Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Lunes na umakyat na sa siyam ang naitalang patay sa nangyaring magnitude 6.8 na lindol na yumanig sa maraming lugar sa Mindanao noong Biyernes.
Ayon sa NDRRMC, walo sa mga nasawi ay mula sa Soccsksargen at isa Davao Region at sa nasabing bilang ng mga nasawi ay nasa Sarangani, tatlo sa South Cotabato, at isa sa Davao Occidental, na sentrol ng lindol.
Mayroong 15 katao ang iniulat na nasaktan.
Sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, may 450 katao rin ang binigyan ng atensyong medikal dahil sa naranasang hyperventilation at panic attack.
Nasa 826 na bahay ang napinsala ng lindol, na 729 ang partially damage at 97 ang totally damage.
Mayroon namang 118 empraestruktura ang napinsala rin, ayon pa sa NDRRMC.
Tatlong kalsada sa Soccsksargen ang hindi pa madaanan, habang naibalik na ang enerhiya sa 21 lugar na nawalan ng kuryente nang tumama ang lindol.
Kung matatandaan, isang mag-asawa sa General Santos City ang unang naitalang nasawi matapos silang madaganan ng kongkretong pader.
Kinilala ang mga biktima na sina Danny Ginong, 26-anyos at Jane Ginong, 18, mula sa Amadeo Compound, sa Barangay San Isidro.
Nag-panic umano ang mga biktima nang yumanig ang lupa at nagkubli sa pader na nakadagan sa kanila.
Naitala ang sentro nito sa 05.37°N, 125.15°E – 030 km S 81° W ng Sarangani sa Davao Occidental na may lalim na 10km.
Sa mga kumakalat na videos, makikita ang paggalaw ng mga ilaw, at paglaglag ng ilang bahagi ng kisame. Isang lalaki ang bahagyang nasaktan nang tumalon mula sa ikalawang palapag ng gusali.
Nangamba naman ang ilang residente sa tabing-dagat sa Barangay Labangal nang biglang mag-lowtide ang dagat at bumalik ang tubig kasunod ng pagyanig.
Naramdaman din ang pagyanig sa Koronadal City na nagdulot ng bahagyang pinsala sa ilang gusali. Ilang residente rin ang nahilo.
Sa Malapatan, Saranggani, nagkalat sa daan bumagsak na mga lupa, bato at puno mula sa bundok.
Naramdaman din ang lindol sa Zamboanga City, Basilan, Sulo, Maguindanao at Bukidnon.