Patok ngayon sa mga turista na bumisita sa isang lawa sa Chiang Mai province sa Thailand na pinamumugaran ng iba’t ibang uri ng isda na nabubuhay sa tubig-tabang ang isang higanteng isda na umano’y maaaring hawakan.
Sa ngayon ay dinadayo ng mga turista sa Chiang Mai ang Go Bee fishing park para sa recreational fishing at makikita sa lugar ang local Thai species ng isda, maging ang ilang imported at rare na klase ng mga isdang-tabang.
Kabilang sa inaalagaan at puwedeng mahuli sa lawa ang mga higanteng carp at Mekong giant catfish, na kabilang sa mga pinakamalalaking freshwater fish sa mundo.
Sa isang video sa social media, makikita ang isang turista noong nakaraang Oktubre na lumusong pa sa tubig at nag-swimming kasama ang naglalakihang isda sa lawa at may dala pa siyang tinapay para ipakain sa mga isda at para lumapit sa kaniya ang mga ito.
Pero habang nagbi-video ang kaniyang mga kasama, dahan-dahan lumapit ang isang dambuhalang isda na nakakatakot ang hitsura– isang giant catfish o hito.
Itinuturing harmless at hindi nang-aatake ang hito na puwede pang hawakan.
Ayon sa mga eksperto, ang mga hito ay kayang lumaki ng hanggang walong talampakan, depende sa dami ng pagkain at kalidad ng tubig sa kanilang tirahan.
Noong 2005, nahuli sa Mekong river sa Thailand ang isang hito na halos siyam na talampakan ang laki at may bigat na 293 kilos.