Inaprubahan na ng Department of Budget and Management ang pagpapalabas ng P3 bilyon para dagdagan ang programa ng Department of Social Welfare and Development na naglalayong tulungan ang mga indibidwal at pamilyang nasa “dire need.”
Ang pagpapalabas ng karagdagang alokasyon ay sumasaklaw sa kakulangan sa budget para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng Department of Social Welfare and Development.
Ang programa ay isa sa mga pangunahing serbisyo ng DSWD na nagbibigay ng tulong medikal, transportasyon, edukasyon, pagkain, o tulong pinansyal para sa iba pang serbisyo sa suporta o pangangailangan ng isang tao o pamilya.
Inaprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas at binanggit na ito ay naka-angkla sa special provision sa 2023 General Appropriations Act sa paggamit ng Unprogrammed Appropriations.
Ayon kay Pangandaman, bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na palalakasin ng ahensya ang social protection measures para sa mga kababayan, lalo na ang marginalized at vulnerable sectors.