Iniulat ng mga otoridad na isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa ilalim ng tulay sa Barangay San Juan sa Tatay, Rizal nitong Linggo ng gabi.
Batay sa mga ulat, alas-11 ng gabi nang rumesponde ang mga otoridad para pagtulungan na maiangat ang bangkay ng lalaki na nakalubog sa tubig at ayon sa isang security guard sa lugar, nakita pa nila ito noong hapon na lumalangoy sa sapa.
“Diyan siya natutulog sa ilalim ng tulay. Lagi siyang nakakababad sa tubig. Kahapon, naliligo diyan sa baba. Buhay pa nun e,” saad ng witness. “Mababaw talaga ‘yan. Siguro sa gutom saka sa lamig. Minsan hindi ‘yan kumakain.”
Humingi na sila noon ng tulong sa barangay para maisagip ang lalaki na namamalagi sa ilalim ng tulay pero tumanggi itong sumama sa kanila.
“Agad po namin pinapuntahan pero minsan po kasi lumalaban ‘yung mga taong grasa talaga, hindi namin makuha. Or ‘pag pupuntahan na po namin, umaalis na po sila,” ayon kay Vergel Quiñones, barangay desk officer ng Barangay San Juan.
“Hindi po siguro taga-dito talaga. Baka taga-ibang lugar po na naligaw lang po dito sa amin.” dagdag ni Quiñones.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan nito at ang sanhi ng kanyang pagkamatay.