Ibinunyag ng aktres na si Angelica Panganiban na halos mag-iisang taon na siyang nakikipaglaban sa isang sakit.
Sa kanyang latest vlog nitong Sabado, ibinahagi ng 37 anyos na aktres na siya ay mayroong avascular necrosis o sakit na kung saan namamatay ang buto ng indibidwal.
Kuwento ng aktres, nagsimula siyang makaramdan ng pananakit sa kanyang hita at balakang noong ipinagbubutnis pa lamang niya si Baby Amila Sabine, anak niya sa kanyang kinakasama na si Greg Homan.
“Six months into pregnancy, meron na akong mga nararamdamang on my hips. Hindi ko actually ma-pinpoint noon kung sa hips, sa leg, sa likod, sa puwitan. [Y]un yung mga struggles ko noon,” sabi ni Angelica.
“Nagtanong-tanong ako sa mga doktor and friends ko na naging mommy na rin, and lahat naman sila sobrang supportive and sinasabi na it’s part of the pregnancy. So nung nanganak ako, [w]ala rin talaga akong time na pansinin kung ano ba talaga yung mga masakit sa katawan ko,” dagdag niya.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni Angelica ang kanyang mga pisikal na aktibidades gaya ng yoga at pagtakbo sa pag-aakalang mawawala rin ang iniindang sakit.
Pagpapatuloy niya, nang magpunta sila sa Palawan nitong taon ay nagpasiya siyang magpatingin ng kanyang balakang sa mga eksperto, ngunt isang linggo ang makalipas ay bumalik umano ang sakit.
“Nagkaroon ng isang time na hindi na ako makalakad again sobra akong in pain, iyak ako nang iyak. Dinala ako ni Greg sa Asian Hospital sa ortho doctor. Doon in-injection-an ako ng PRP (Platelet-Rich Plasma) ito ‘yung plasma, ito ‘yung blood na kinuha sa atin, tapos may ginagawa sila, like ilalagay nila sa machine. Tapos magiging ano na siya, tinatawag nila yata, kung ‘di ako nagkakamali ay stem cell na siya. So ito ang ginawang gamot, nirekta siya sa nerves ko dito sa hips left and right,” pagbabahagi niya.
“So nagpa-RMI ako at lumabas ‘yung result ko na mayroon pala akong avascular necrosis. So avascular necrosis is bone death.”
“Namatay na ‘yung mga bones ko sa aking balakang kaya pala hirap na ako maglakad kaya ‘yung mobility ko ay hindi nasosolusyunan kahit pa anong gawin kong strengthening,” pagpapatuloy niya.
Anang aktres, ang unang inalok sa kanyang solusyon sa sakit ay hip replacement, ngunit nagdesisyon aniya siya para sa mas konserbatibong paggagamot na PRP treatment.
“This time nag-drill sila ng hole at in-inject nila ‘yung PRP directly doon sa dead bone ko. Masakit ba ang procedure? Hindi ko inakala na masakit siya. Tulo nang tulo ang luha ko, kahit paano nakaramdam ako ng awa sa sarili ko na bakit ako nagkakaganito,” sambit nito.
Pagtataka ng aktres, hindi naman umano siya gumagamit ng steroids na siyang pangunahing dahilan upang magkaroon ng naturang sakit. Aniya, minalas lang daw talaga siya.
“Bakit sa akin nangyari ito? Kasi ang cause ng avascular necrosis ay steroid abuse. Kung mapapansin niyo naman never na lumaki ang katawan ko, never akong nagka-muscle sa buong katawan ko. So ‘di siya part ng lifestlye ko hindi naman ako athlete, ‘di naman ako body-builder or hindi siya part ng buhay ko lang, hindi para mag-take ako ng steroid. So ano ang cause niya? Wala tinatawag na malas lang talaga at nangyari siya sa akin,” sabi ni Angelica.
Sa ngayon ay tapos na ang ginawang procedure sa artista at on the way na umano siya sa pagpapagaling.
“Nagawa na ‘yung procedure … nakapagpasok na sila. [N]ilagyan nila ng plasma para sa ganoon ay magkaroon ng regrowth at mabuhay siya ulit, magkaroon ng blood flow,” dagdag niya.
“Patuloy ang pagiging positive na matatapos na ‘yung kalbaryo dito sa nararamdaman ko dahil finally na pinpoint namin kung ano talaga ang sakit ko. So minsan I just can’t believe na at the age of 37 nagkaroon ako ng bone death, there’s something dead inside me. I am hoping na mabilis din ang recovery ko at hopefully makapagtrabaho na ako next year. I will keep you posted,” sabi pa ng aktres.