Isang Amerikanong blacklisted ang bigong makapasok sa bansa matapos harangin ng Bureau of Immigration nitong Sabado.
Batay sa ulat ng ahensya nitong Lunes, hinarang ng mga otoridad si Jared Allen Kasper sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 matapos nitong lumapag mula Los Angeles.
Ayon kay BI commissioner Norman Tansingco, kabilang si Kasper sa listahan ng ahensya noong Oktubre sa mga hindi maaaring pumasok sa bansa matapos nilang makatanggap ng ulat sa tatlong babaeng biktima umano nito na silang nakaranas daw ng seksuwal na pang-aabuso ng suspek.
“The complainants alleged that there were at least 20 Filipino women who were victimized by him but only the three of them filed a formal complaint,” saad ni Tansingco sa isang pahayag.
Batay sa imbestigasyon, sinabi umano ni Kasper sa kanyang mga biktima na pakakasalan niya ang mga ito kapag natulog sila kasama siya.
Sinasabi ring kumukuha ang suspek ng mga hubad nilang litrato nang walang pahintulot.
Batay sa ulat, dumating sa bansa ang banyaga nitong Hulyo at ipinatapon nitong Agosto.