Ipinahayag ng militar ng Ukraine kahapon na napaatras nila ang mga kalabang Ruso ng tatlo hanggang walong kilometro mula sa pampang ng ilog ng Dnipro sa rehiyong Kherson.
Kung totoo, ang pag-abante ng mga tropang Ukraine sa nasabing lugar ay kauna-unahang makabuluhang opensiba nila sa ilang buwan na tablang labanan ng dalawang panig.
Ayon kay Natalia Gumenyuk, tagapagsalita ng Ukraine army, patuloy na tinitira ng pwersang Ruso ang mga tropa sa lugar. Hindi niya masabi kung kontrolado ng mga tropa nila ang lugar o kung umatras ang mga Ruso roon.
Tinatayang libu-libong Ruso ang nasa lugar pa, aniya.
Dating nasa magkabilang pampang ng Ilog ng Dnipro ang mga pwersang Ruso at Ukrainian matapos umatras ang pwersang Ruso sa kanlurang pampang noong nakaraang Nobyembre.
Ilang ulit ring tinangka ng mga tropang Ukrainian na tawirin ang ilog at pumwesto sa panig na kontrolado ng mga Ruso bago nila magawa ito nitong nakaraag linggo.
Huling pag-abante ng mga Ukrainian ang pagbawi sa bayan ng Robotyne sa katimugang bahagi ng Zaporizhzhia noong Agosto.
Mula noon ay walang nabuwag na linya ng pwersang Ruso ang mga tropang Ukrainian.
Hindi naman maberipika ng Agence France-Presse ang pahayag ng Kyiv.