Aarangkada na ngayong araw ang isinusulong na transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON, ayon kay Steve Ranjo, secretary general ng PISTON.
Sinabi ni Ranjo na nasa 20 protest areas isasagawa ang tigil-pasada sa Metro Manila, partikular na umano rito sa may Quezon City sa Novaliches, Philcoa, Litex, gayundin sa Alabang at sa mga probinsiya sa Southern Tagalog, Bicol at Cebu.
Dagdag niya, nagsama-sama ang iba’t ibang asosasyon ng mga tsuper at operator para kondenahin ang mga napipinto at tuluy-tuloy na phase-out sa mga traditional PUJs sa pamamagitan ng sapilitang konsolidasyon.
Una ng sinabi ng Land Tranportation Franchising and Regulatory Board na walang phaseout ngunit kailangang mag-consolidate ang mga PUJs upang matiyak na magiging maayos ang serbisyo ng naturang mga sasakyan sa mga commuters.
Samantala, ipapakalat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang 250 na mga sasakyan para sa libreng sakay upang maging gabay ng mga mananakay sa nakatakdang tigil pasada bukas ng grupong Piston.
Ayon sa ahensya ipapakalat ang libreng sakay na sasakyan sa lugar na inaasahang maapektuhan gaya ng Novaliches-Malinta, Shelter Ville-Novaliches, Bagumbong-Novaliches, Paco-Sta. Mesa, Monumento Area, Catmon, Alabang Area, Baclaran, A. Francisco St.-San Andres Bukid at NIA-NPC hanggang Mindanao Avenue