Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Linggo na nasa pitong katao na ang naitalang namatay habang dalawa ang nasugatan at dalawa pa ang nawawala sa pagyanig ng magnitude 6.8 na lindol sa Mindanao.
Sinabi ni NDRRMC spokesman Edgar Posadas na kabilang sa mga nasawi ay isa sa Jose Abad Santos, Davao Occidental; isa sa Malapatan, Sarangani; dalawa sa Glan, Sarangani at tatlo mula sa General Santos City. Gayunman, sinabi ni Posadas na patuloy silang nagsasagawa ng pag-validate sa bilang ng mga nasawing biktima.
Sabi ng Office of Civil Defense region 12, maaring umakyat pa sa 10 ang bilang ng nasawi dahil mayroon pang tatlo na naiulat na nasawi pero sumasailalim pa sa berpikasyon.
Karamihan umano sa mga nasawi ay natabunan at nabagsakan ng mga gumuhong gusali at iba pang istraktura.
Nasa 450 indibidwal naman ang nangangailangan ng atensiyong medikal.
Nagpapatuloy naman ang ang pagtugon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.
Kung matatandaan, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mga lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na agad na rumesponde at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente na naapektuhan ng malakas na paglindol sa Davao Occidental nitong Biyernes ng hapon.
Sinabi n Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, na kahit na nasa ibang bansa ang Pangulo dahil sa pagdalo nito sa APEC summit ay nakatutok ang pangulo sa kaganapan sa bansa.