Pinalagan ng aktres na si Kazel Kinouchi ang mga tsismis may “something” sa pagitan nila ni Richard Gutierrez lalo’t kumakalat ngayon sa social media ang mga larawan kung saan makikitang nasa iisang lugar at tila magkasama sila ng Kapamilya actor.
Si Kazel ay kilala sa kanyang pagganap bilang “Zoey” sa hit Kapuso series na “Abot Kamay na Pangarap” at base sa mga larawan, makikita ang dalawa sa isang Halloween party at kasama rin nila sina Zion at Kai na anak ng aktor sa asawang si Sarah Lahbati.
Ito ang nagpausok sa social media dahil na-curious ang mga netizens na intrigahin si Kazel lalo na’t napapabalitang tila may pinagdaraanan ang mag-asawang Richard at Sarah.
Sa katunayan, may mga netizens ang hindi na nakapagpigil at nag-comment na sa latest Instagram post ni Kazel.
“Is Richard Gutierrez and you in a relationship?” diretsahang tanong ng netizen kay Kazel.
Sagot ng dalaga, “NO.”
May isa pang nagsasabing dismayado siya kay Kazel.
Hirit pa nito, pina-follow pa man din siya ng asawa ni Richard.
Tugon ni Kazel, “Get a life, seriously.”
Isang netizen naman ang nagsabi na huwag sanang pumatol ang Kapuso actress sa may asawa na at huwag sirain ang kanyang magandang karera.
“Don’t believe everything you see on the internet,” sabi pa ni Kazel.