Malapit nang maayos ng Qatar ang kasunduan sa pagpapalaya ng mga teroristang Hamas sa ilang mga bihag kapalit ang tigil-putukan sa Gaza.
Ayon kay Punong Ministro Mohammed bin Abdulrahman Al Thani ng Qatar, ang bansang namamagitan sa nagdidigmaang Hamas at Israel, maliit na problema na lamang ang balakid para pumayag ang dalawang panig sa kasunduan.
“Sa tingin ko ako ay mas tiwalang malapit na kaming umabot sa kasunduan na makapagpapabalik sa mga tao sa kanilang bahay nang ligtas,” aniya.
Hindi naman dinetalye ni Al Thani sa sabay na press conference niya at ni Josep Borrell, hepe ng foreign police ng European Union, kung ano pa ang mga hadlang sa negosasyon, bukod sa pagsasabing ito ay praktikal o patungkol sa logistic.
Ang pamamagitan ng Qatar sa Hamas at Israel ay nakapagpalaya na ng apat sa may 240 bihag ng Hamas.
Dinukot ng mga teroristang Palestino ang mga bihag nang atakihin nila ang timog Israel noong Oktubre 7 na ikinasawi ng may 1,200 tao, karamihan mga sibilyan.
Nilusob at binomba naman ng tropang Israeli ang Gaza upang tugisin ang mga Hamas at bawiin sa kanila ang mga bihag.
Sa pambobomba na ginagawa ng Israel sa Gaza, may 12,300 na ang namatay, kabilang ang mahigit 5,000 bata, ayon sa Hamas.