Pito ang naitalang bilang ng mga nasawi sa magntude 6.8 na lindol sa Sarangani, General Santos City, Davao Occidental nitong Biyernes, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sinabi ni Edgar Posadas, tagapasalita ng Office of the Civil Defense, tatlo ang nasawi sa General Santos, dalawa sa Glan, Sarangani, at tig-isa sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, at Malapatan, Sarangani.
Ang mga biktima ay natabunan o tinamaan ng nahuhulog na debris, ayon kay Posadas.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, isang ginang ang nasawi matapos matabunan ng mga debris sa isang mall sa General Santos City.
Sa parehong lungsod, naitala rin ang pagkasawi ng isang magkasintahan matapos madaganan ng konkretong pader na kanilang tinaguan habang lumilindol.
Isa naman ang nasawi matapos mahulugan ng bakal sa Glan.
Samantala, isang matandang lalaki ang binawian ng buhay matapos mabagsakan ng malaking tipak ng bato na gumulong sa kanyang bahay.
Hindi naman bababa sa 60 na bahay ang nasira sa South Cotabato, Davao Occidental, Davao Oriental at Sarangani, ayon sa NDRRMC.
Tatlumpu’t dalawang proyektong imprastraktura sa Davao City, Davao Occidental, Davao del Sur, General Santos City, Davao Oriental at Sarangani ang naapektuhan.
Bukod dito, 11 daan sa Soccsksargen ang naapektuhan, dalawa rito ay hindi madaanan ng sasakyan, ayoin kay Posadas.
Nagkaroon din ng sira ang tulay ng Buayan at 13 gusali, kabilang ang shopping malls, sabi ng General Santos City Police Office.
Ang episentro ng lindol ay 34 kilometro sa hilagang-kanluran ng isla ng Sarangani at nasa lalim na 72 kilometro.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, maaaring nangyari ang pagyanig dahil sa paggalaw ng crust ng planeta sa Cotabato trench, isang mahaba at makitid na lubak sa seafloor.