Maghaharap sa national finals ng Maharlika Pilipinas Basketball League ang Bacoor Strikers at Pampanga Giant Lanterns matapos maging kampeon ang dalawang koponan sa North at South Division ng liga.
Tinalo ng Strikers ang Batangas City Embassy Chill Athletics, 54-49, sa Game 2 ng kanilang best-of-three South Division finals sa Batangas City Coliseum nitong Biyernes.
Pinangunahan ni James Kwekuteye at Aaron Jeruta ang Bacoor na magkasamang nagpakawala ng 14 puntos upang burahin ang 10 lamang ng kalaban patungo sa panalo.
Sa unang laban ay tinalo rin ng Bacoor ang Batangas, 89-65, para makuha ang unang titulo sa dibisyong timog ng liga na may 29 koponan.
Tambak ng 10, 28-38, nakalapit ang Strikers matapos ang tatlong quarters, 40-44, dahil sa opensa nina Yvan Ludovice, Jammer Jamito at Jhan Mchale
Nermal.
Lumamang na ang Bacoor, 53-47, sa 13 puntos na pinakawalan nina Kwekuteye, Jeruta at Jhaymo Eguilos sa huling 19 segundo ng laro.
Si Jeruta ang itinanghal na best player ng laban sa kanyang 7 puntos, 6 rebound at 3 assist.
May 9 puntos naman si Equilos at 8 mula kay Kwekuteye.
Sa panig ng Batangas, nanguna sa puntos si Jeckster Apinan na may 11 at 9 rebound. May 9 puntos naman si CJ Isit.
Dalawang beses ding tinalo ng Pampanga ang San Juan Knights, ang huli 82-76, upang maging kampeon naman sa North Division ng MPBL nitong Martes sa FilOil EcoOil Centre.
Tumampok para sa Pampanga si MJ Garcia na kumana ng 16 puntos at si Jeric Serrano na may 16 puntos rin sa Game 2 ng serye nila laban sa San Juan.
Si Marwin Taywan naman ang nanguna sa Knights sa kanyang 18 puntos.