Kinoronahan bilang 2nd runner-up ng 2023 Miss Globe pageant ang pambato ng Pilipinas na si Anna Valencia Lakrini sa Tirana, Albania kahapon.
Nanalo din ang 25 anyos bilang 1st runner-up sa bikini competition ng timpalak matapos makakuha ng perfect score sa inirampa niyang itim na one-piece swimsuit.
Sa question and answer portion, tinanong ang Filipina-German beauty queen mula Bataan kung ano ang paborito niyang motto sa buhay at bakit.
“Well, my favorite life quote would be to always enjoy the moment, ‘cause you never know when it’s too late,” sagot ni Lakrini.
Sinabi rin niyang napakasaya niya dahil kasama niya ang kanyang pamilya na dalawang taon ding hindi niya nakikita.
Naalala niya ang panahon na kapiling niya ang kanyang pamilya noong may pandemya na talaga namang na-enjoy niya.
Nito lamang Mayo nang koronahan si Lakrini bilang Binibining Pilipinas Globe 2023 kung saan kanya ring inuwi ang Best in Swimsuit award.
Samantala, si Manvin Khera ng Malaysia ang kinilalang Miss Globe 2023 at si Katia Agbodo Rodriguez ng Spain ang pumangalawa.
May 50 na kandidata ang naglaban para sa korona.