Mga 250 na Rohingya sakay ng kahoy na barko ang nakarating nitong Huwebes sa kanlurang Indonesia mula sa Bangladesh matapos ang tatlong linggong paglalayag subalit hindi sila nakadaong.
Ang mga katutubong Muslim ng Myanmar ay dalawang ulit na itinaboy ng mga taga-Aceh kaya napilitan silang maglayag muli at hindi na natanaw mula sa dalampasigan, ayon sa salaysay ng mga saksi kahapon.
Ilang Rohingya ang lumangoy patungo sa pampang ng Aceh at bumagsak sa dalampasigan dahil sa gutom, pagod at uhaw. Subalit pinabalik sila ng mga tagaroon sa kanilang barko.
Tumuloy ang barko ng Rohingya sa North Aceh at bumaba sa dalampasigan. Subalit itinaboy muli sila ng mga tagaroon.
Ayon sa isang saksi, ubos na ang pasensya ng mga taga-Indonesia sa mga dayuhan dahil pagkadaong nila ay tumatakas sila at sumasama sa mga sumusundong recruiter.
Libu-libong Rohingya sa Myanmar at Bangladesh ang umaalis at naglalayag patungo sa Indoesia at Malaysia upang umiwas sa pang-aapi at karahasan. Ibinubuwis nila ang kanilang buhay sa mapanganib na biyahe sakay ang mga delikadong barko.