Level up na ang mga Marines ng sandatahang lakas pagdating sa pagmanman ng kalaban nang ipamalas nila ang husay sa paggamit ng reconnaisance drone sa pagsasanay na Kamandag 7 kasama ang mga sundalong Amerikano sa Palawan nitong Huwebes.
Lumahok ang 95 Marines sa ikapitong Kaagapay ng Mandirigma mula sa Dagat o Kamandag na isinagawa sa Barangay Kamuning, Puerto Princesa City. Nagpakawala sila ng RQ-20 PUMA, isang maliit na drone na pinatatakbo ng baterya, upang magsiyasat at mangalap ng intelligence data sa isang bahagi ng magkasamang training.
Batay sa mga kunwaring impormasyong na nakuha tungkol sa kilos ng kalaban sa laot, kumasa naman ang mga sundalong Amerikano na nagpalipad rin ng drone umang makita nang husto ang kalibre ng barkong kunwaring lulusob sa lupa.
Sumunod naman ang pagpwesto ng mga sundalo sakay ng tangke at paglatag ng mortar at iba pang sandata sa dalampasigan upang depensahan ang bayan.
Bilib si Capt. Philip Badrov ng Marine Rotational Force-Southeast Asia sa gaan ng drone at madaling pag-operate nito pati na ang malinaw nitong camera.
“What we’re doing here is demonstrating maritime domain awareness. So we’re establishing these sensing sites with cheap, readily available radars that anyone could buy off the shelf. By having that, we have the most robust picture of the maritime domain; we’re able to see everything from aggressors to anyone who is breaking the law. So this applies to everything about policing through warfare,” aniya.
Espesyalista sa small unmanned aerial system si Badrov at sa pagsasanay na ginawa nila kasama ang mga Pilipinong Marines ay layon nilang mapatibay ang inter-operability ng Marines ng dalawang bansa upang masiguro na makakakilos ang dalawang pwersa bilang isang mas malakas na grupo.