Inihayag ng Quezon City Prosecutors Office nitong Miyerkules na naglabas ito ng subpoena laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa reklamong grave threat na inihain laban sa kaniya ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro.
Ang subpoena ay inilabas ni Senior Assistant City Prosecutor Ulric Badiola kung saan inatasan nito ang dating Pangulo na humarap sa piskalya sa December 4 at 11.
“Under and by virtue of the authority vested in me by the Revised Charter of Quezon City and other existing laws, respondent [Duterte] is hereby commanded to appear before the Office of the City Prosecutor, Justice Cecilia Muñoz Palma Building (Department of Justice), Elliptical Road, Quezon City,” ayon sa subpoena.
Inaatasan din ang dating Pangulo na magsumite ng “affidavit/s of his witnesses and supporting documents” kung mayroon.
“The counter-affidavit, together with the annexes and the affidavits of witness/es, should be in eight copies and should be subscribed and sworn to before me,” dagdag pa sa subpoena.
Kung matatandaan, inakusuhan ni Castro si Duterte ng pagbabanta base sa naging panayam sa dating Pangulo sa SMNI.