Inaresto ng mga otoridad ang isang lalaking most wanted umano sa Calabarzon na nagtago umano ng lampas dalawang dekada dahil sa kasong pagpatay.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Branch 33 Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna noong January 6, 2000, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Siniloan Municipal Police at Regional Intelligence Unit 4-A ang suspek na kinilalang si Nelson Tongga.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nangyari ang pagpatay noong January 10, 1999 at base sa ulat, lasing noon ang biktimang si Teofisto Catarning nang pagbabatuhin nito ang bahay ni Tongga, sabi ni Police Major Robin Llanes Martin, chief of police ng Siniloan Municipal Police Station.
Kasama niya ang kapatid na si Sonny Tongga at kinumpronta nila ang biktima hanggang humantong sa pagtatalo at mabaril ang biktima sa dibdib na siyang ikinamatay nito.
“Talagang daw po pala ay binubully nitong taong napatay nila ng mga panahon na ‘yun at diumano ay meron daw insidente ng pambabato ng kanilang bahay noong mga panahon na yun,” sabi ni Martin.
“Diumano itong kanilang biktima ay lasing. Nakainom ng alak. Kaya binato daw ‘yung kanilang bahay at ‘yun lang ang naging dahilan para kitilin niya ‘yung buhay nung kanilang victim,” dagdag niya.
Dito na nagtago ang magkapatid na Tongga hanggang matunton ng mga kaanak ng biktima ang kinaroroonan ng suspek sa Brgy. Manggahan, Rizal noong November 7 at agad nakipagugnayan sa mga awtoridad.
“Umalis na po sila dito nagtago po sila sa iba’t ibang lugar sabi ko nga sa bayan ng San Pablo sa Rizal NCR at doon sila naghanap ng kani-kanilang ikabubuhay at ‘yun nga po kaya tayo nag conduct ng mga surveillance para mahanap,” dagdag ni Martin.
Aminado naman si Tongga sa ginawang krimen at sinabing sa kumpare niya ang service firearm na ginamit niya sa pagpatay.
“Hiniram ko lang po ‘yun, doon sa kumpare ko ninong ng anak ko,” sabi ni Tongga.